Kadalasan kapag nakakarinig tayo ng engkuwentro, nagpapahiwatig ito ng takot at kaba dahil sa karahasan na maaaring maidulot nito. Ngunit may mga pagkakataon na hindi lahat ng engkuwentro ay nagdadala ng ganitong uri ng damdamin. Isa na dito ay ang engkuwentrong nangyari noong December 7, 2020. Hindi ito nagbigay ng ano mang uri ng panganib sa mga taong sangkot dito. Sa katunayan, nagdulot pa ito ng kasiyahan at aliw, dahil ito ang isang uri ng engkuwentro na kinagigiliwan ng mga sabongero.
Ang nasabing engkuwentro ay ang '5th Encuentro: Building Bridges 6-Stag Big Derby Event' na ginanap sa Antipolo Coliseum. Ito ay sinalihan ng mga iba't-ibang koponan, kumpanya sa industriya ng pagmamanok, at gamefowl associations. Ang mga pangunahing pangkat ng manlalaro ay ang 'Team Sagupaan,' 'Team LGBA North,' 'Team King Slasher,' 'Team Black Rooster,' 'Team LGBA Ilocos Region,' 'Team Luzon Breeders Cup,' 'Team LGBA South,' 'Team LGBA All Star,' 'Team Batangas Ala Eh GBA,' at 'Team Vimvite.' Nasa mahigit isang milyong piso din ang kabuuang premyo ng derby na malaki ang naitulong sa mga nagwagi.
Sa nangyaring derby, nagtagumpay ng husto ang LGBA. Kaya ang pangulo nito na si Ginoong Nicolas Makabenta Crisostomo ay naghatid muli ng pagbati sa mga nanalo. Ang nagwagi ng solo champion ay si Ric Tamboong sa entry niyang 'RTT.' Si Ginoong Tamboong ay hindi lamang naging kampeon, nagpakita rin siya ng husay sa pagkakasungkit niya ng 'perfect 6 wins.' Nagwagi namang team champion ang 'Team LGBA All Star.' Ang mga miyembro ng team ay sina 'Bogs' Julio Vinluan sa entry niyang 'JBV Puting Tenga,' Doc Arsenio Tuazon at Glenn German sa entry nilang 'Wacky-San Roque,' Engr. Del Mendoza sa entry niyang 'DM Brusco,' at Mayor Rockey Ilagan sa entry niyang 'Purple Hearts.' Kasali rin sa naturang team ang solo champion na si Ric Tamboong.
Ngunit sa kabila ng pagkapanalo ng LGBA sa 'Encuentro,' may mga ilan rin na nakakuha ng gantimpala sa pagkamit nila ng posisyon bilang 'runner-ip,' na gawa ng kanilang score na '5 Wins' at '1 loss.' Ang mga kasama dito ay sina Limuel Reyes ng 'Team King Slasher' sa kanyang entry na 'RLJKS Tylomox,' Toto Gregore ng 'Team LGBA South' sa kanyang entry na '22GF,' Aylwyn Sy at Jeffrey Sy ng 'Team Sagupaan' sa kanilang entry na 'Jam-SB,' si Mayor Rockey D. Ilagan muli ng 'Team LGBA All Star' sa kanyang entry na 'Purple Hearts,' at sina Doc Ted Macadagdag at Jack Serilla ng 'Team Vimvite' sa kanilang entry na 'King Eumer/ DTM.'
Ang '5th Encuentro: Building Bridges 6-Stag Big Derby Event' ay naging isang tunay na tulay sa pagkakaisa ng iba't-ibang grupo ng asosasyon at industriya sa larangan ng sabong. Mula sa mga nagkampeon hanggang sa mga sumali at dumalo sa derby, ito ang isang engkuwentro na totoong ikinatuwa ng marami.
Комментарии