Culling sa Panahon ng COVID-19 by Jun Jamandores (May 5, 2020)

Sa totoo lang, hindi mamamatay ang manok dahil sa Covid-19. Mamamatay sila dahil sa gutom. Sounds familiar?


Sa ngayon na may ipinatutupad na Enhanced Communiy Quarantine (ECQ) dahil sa COVID-19, tayong mga magmamanok ay nag-aalala sa kahihinatnan ng ating mga palahi. Ang mga buwang ito ang stage sa kanilang paglaki na malapit na sana silang anihin mula sa range o pagalaan at ihanda sa hardening phase upang maitali na sa cord area. Ang kaso, dumating nga ang COVID-19.


Ang COVID-19 ay isang virus na nakamamatay sa tao pero hindi nakakaapekto sa manok. Subali’t dahil nga sa mga patakarang dapat nating gawin upang maiwasan ang COVID-19, malaki ang nagiging epekto nito sa ating mga palakihing mga sasabungin. Backyard breeder ka man o bigtime farm owner, tiyak na mangangamba ka kung ano na ang dapat mong gawin sa iyong mga manok na sasabungin.


Magiging mahigpit ang ekonomiya dahil sa COVID. Bawal magsabong, walang trabaho, walang perang pambili ng patuka. Ang paraang nalalabi na lamang upang maipagpatuloy ang pagpapalaki sa ating mga palahi ay sa pamamagitan ng pagbabawas ng bilang ng manok na kailangan nating pakainin. Ang karaniwang tawag sa prosesong ito ay “Culling.” Culling ang pagpili at pag-aalis ng mga undesirable sa ating kawan ng manok. Iyung mga mahihina, may abnormalidad at may sakit ang una sa listahan ng mga dapat nang i-culling.


Ngayong panahon ng Covid-19, higit nating kailangan ipatupad ang Culling. Paano ba ito isinasagawa?


Sa mga bagong pisang sisiw, ang mga napisang labas ang bituka, pingkaw ang mga daliri, bulag, hindi magkasuklob ang tuka, mahihina at may taglay na anumang tanda ng abnormalidad ay maaari nang i-cull. Lunurin sila sa isang timbang tubig at ibaon sa malalim na hukay.


Sa mga sisiw na nasa brooder, kapag hindi gumaling-galing sa sakit ang sisiw ay siguradong apektado na ang kanyang paglaki at sayang lamang kung pagtutuunan pa siya ng panahon at pansin. Kung mag-iisang buwan na at makitang pabalik-balik ang sipon ng sisiw ay maaari naman siyang katayin at sabawan o i-arroz caldo.


Sa pagalaan, alin mang sisiw na magpakita ng sintomas ng sakit ay dapat gamutin subali’t kung makalipas ang ilang linggo ay hindi pa rin siya gumagaling, dapat lang na katayin at ulamin na siya. Medyo may laman na ang mga ito kaya’t pwede nang iprito, gawing tinola o adobohin.


Tiyakin lamang na ang mga sisiw at palakihing nasa pagalaan ay hindi tinamaan ng Avian Flu, kundi’y pati ang taong kakain sa kanila ay maaaring mamatay dahil nahawa sa sakit.


Kapag sumapit na ang ikalimang buwan, piliin na ang mga stag na patitikasin o idadaan sa hardening stage. Maging mapanuri at istrikto sa culling. Ang mga stag na may matitinding kapintasan gaya ng mga pilay, patpatin, kuba, o anumang malubhang kapintasan ay dapat ding katayin. Maaari silang gawing afritada, menudo, litsong manok, inihaw o nilaga.


Sa cord area, masakit sa dibdib ang gagawing culling dahil ang mga tandang sa tulusan ay mga panabong na sila sanang inihahanda na natin para sa laban. Ang kaso, bawal pa nga ang sabong at hindi natin alam kung kalian tayo makapaglalaban ulit ng mga manok natin. Ang mga tandang na maaaring ikonsidera para sa culling ay ang mga sumusunod: 1) matatanda, 2) baldado, at 3) namamalo ng tao. Alam nating makunat na ang balat ng mga ito at matigas ang masel kaya’t mainam sigurong gilingin na lamang at gawing chicken burger o matagal na palambutin sa kalan bago iluto.


Masasabing malupit ang culling, nguni’t hgit na malupit kung hahayaan na lang nating manghina ang mga manok at mga palakihin natin dahil hindi na natin sila mabigyan ng sapat na makakain. Hindi tamang tipirin ang mga sisiw habang sila’y lumalaki at lalong hindi wasto na minsanan lamang pakainin ang mga stag at pullet natin. Gugulang silang hindi sapat ang sustansiyang natatanggap na lubhang makaaapekto sa kanilang performance pagdating ng panahon.


Sa pagpapatupad ng Culling, hindi lamang mababawasan ang ating mga pakakainin, kundi, matitiyak din ang magandang kalidad ng mga matitirang manok na aalagaan natin.


Oo, huwag natin silang gutumin. Nguni’t kung tayo na ang walang makain, bubuhayin pa ba natin sila na maaari namang ulamin?



Si Jun Jamandores ang may-ari at editor ng The Fightingcock and Lo-Dyis Magazine, kung saan nagsusulat din siya. Nagsulat din siya ng aklat na Training the Gamecock: A Beginner's Manual.


Facebook page: https://www.facebook.com/Thefightingcockmagazine/